Naalala ko yung kanta ng ASIN na sumikat noong dekada 80. Sikat na sikat ang kanta nilang “Masdan ang Kapaligiran“. Ang sabi sa isang bahagi ng kanta:
“Bakit ‘di natin pag-isipan
Ang nangyayari sa ating kapaligaran
Hindi nga masama ang pag-unlad
Kung hindi nakakasira ng kalikasan”
“Darating ang panahon, mga ibong gala
Ay wala nang madadapuan
Masdan mo ang mga punong dati ay kay tatag
Ngayon’y namamatay dahil sa ating kalokohan”
Nitong mga nakaraang linggo yang kantang iyan ang palagi kong tinutugtog sa aking gitara. Na-LSS ako dyan. Lalo na noong nanalanta ang bagyong si Pedring.
Naalala ko din ngayon yung una pa lang akong nagma-mountain bike. Unang pagkakataon kong sumabak sa trails ng Dona Remedios Trinidad sa Bulacan. Padyak-all-the-way pa kami noon. Hardcore mountain biking na ito para sa akin. Panalo talaga ang trails dito.
Kung dati sa TV patrol at Abante Tonight ko lang nababasa ang mga balita tungkol sa illegal logging ngayon nakakasaksi ako ng mga actual na pagputol ng mga punong kahoy.
Sa DRT at Norzagaray talamak ang illegal logging dyan. Ang mga tao ginagawang uling ang mga punong-kahoy at ibinebenta. Bawal yan di ba?
Nagulat nga ako at napabilib sa isang tagaroon dahil ang galing nyang magmotor.
Ang galing magbalanse. Pitong sako ng uling sa isang motor na dadaan sa isang technical na trail. Kung nakapagbisikleta na kayo sa DRT, alam nyo na kung gaano ka-technical ang trail dito.
Kahit sa Helipad, sa Licao-licao na paboritong puntahan ng mga mountain bikers, lantaran din ang ulingan dyan.
Itong batang ito nakakabilib din. Kung lakas lang din ng katawan ang pag-uusapan, malakas itong batang ito.
Tatlong sako ng uling lang naman ang binubuhat nya pababa ng Helipad. Partida, may hila-hila pa itong kahoy.
Sa Kabayunan Trail naman, talamak din ang ulingan. Kulang na lang warehouse para paglagyan ng mga sako-sakong uling.
Ang tanong ko lang, alam kaya ito ng local government ng Bulacan?
Buhay o Kalikasan?
Kung tutuusin nakaawa din naman ang katayuan sa buhay ng mga kababayan nating ito. Ito na lang talaga yata ang kanilang ikinabubuhay sa mga lugar na yan, ang mamulot at pumutol ng mga punong-kahoy para gawing uling at maibenta. Sa kalagayan nila sa buhay masisisi kaya natin sila kahit alam nilang ilegal at nakakasira ng kalikasan ang paraan ng kanilang ikinabubuhay?
Parang mahirap yata! Para kasing mahirap kalabanin ang pagkalam ng ating sikmura. Lalong mahirap tiisin ang huwag marinig ang iyak ng mga batang nagugutom. At higit sa lahat parang mahirap kalimutan na kailangan nating mabuhay. Kailangan nating kumain. Hindi pa naman ako nakaranas nang matinding gutom sa buhay ko. Pero alam ko at alam nating lahat na kapag sikmura mo ang nagparamdam, kailangan mong sundin. Walang duda yan, kaya nga naimbento ang mga salitang “kapit sa patalim”.
Pero teka, hanggang dito na lang ba ang kaya nating gawin? Wala na nga kayang paraan para mabago ang ganitong sistema?
Sa tingin ko hangga’t hindi sila nabibigyan ng alternatibong pangkabuhayan o trabaho, magpapatuloy ‘yang ganyang sistema. Magpapasalin-salin yan hanggang sa mga anak ng kanilang mga anak.
Tayong mga mountain bikers, wala naman tayong magawa sa mga ganitong issue. Ang tanging magagawa lang natin ay ang mapailing sa ating mga nakikita sa mga ganitong mga lugar.




