Noong bata pa ako, kapag nakakakita ako ng taong kalbo binabatukan ko (hindi naman malakas) ang kalaro ko. Sabay sabi ng “Pendong! May kalbo. Peace”. Eh pano naman kaya kung kalbong bundok ang nakikita mo? Naku parang ibang usapan na ‘yan ah?
Todo na ito
Alam nating lahat na ang Pilipinas ay daanan ng mga malalakas na bagyo. Hindi lang pala malalakas, pati mahihina rin. Humigit-kumulang dalawampung bagyo ang dumadaan sa ating bansa sa loob ng isang taon. May pagkakataon nga na nasasagad ang mga letra sa alpabetong Pilipino para lang sa mga pangalan ng mga bagyong ito. Parang isang laro ng mga bata noon sa tanching, “todo na ang taya pati ang pato”.
Ang bagyo parang ice cream, iba-iba ang flavor. May bagyo na malakas ang hangin pero mahina ang ulan. May bagyo naman na mahina ang hangin pero sangkatutak na tubig-ulan naman ang dala. May bagyo naman na trio. Malakas ang ulan, malakas ang hangin at malakas ang kulog at kidlat.
Ondoy, Milenyo, Pedring, at Rosing ang ilan sa mga natatandaan kong pangalan ng bagyo na talaga namang bumayo sa Pilipinas.
Sino kaya ang hindi makakaalala sa bagyong si Ondoy noong 2009? Metro Manila at Central Luzon ang sobrang naapektuhan. Kailan lang si Pedring naman. Naapektuhan din ang Central Luzon.
Malakas man o mahina ang bagyong dumating, napansin ko lang, sobrang naaapektuhan ang bansa natin. Napakaraming lugar sa atin ang lumulubog sa baha. Exempted na dito ang Malabon at ibang lugar sa CAMANAVA.
Ang turo ni Teacher noon!
Noong nasa elementarya ako ang sabi ng teacher ko dapat daw nagtatanim tayo ng mga puno. Kasi daw ang mga punong ito ay nakakatulong para maiwasan ang pagbaha sa mga mabababang lugar o sa kapatagan. Ito rin daw ang kumakapit sa mga lupa sa bundok para hindi magka-landslide.
Ngayon!
Naku, mukhang may tama, este, tama si teacher. Sa mga matitinding pagbaha sa ating bansa, lalo na sa Central Luzon, mukhang marami ang umabsent noong nagturo si teacher ng tungkol sa kahalagahan ng pagtatanim ng punong-kahoy. Mukhang marami yata ang tinamad magbasa ng aklat sa science noong nasa elementarya pa sila?
Huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa at magpakalayo-layo. Dumako na lang tayo sa Bulacan. Ang isa sa pinakanasalanta ng bagyong Pedring at isa din sa pinakapaboritong puntahan ng mga mountain bikers tulad ko.
Hindi ako taga-Bulacan pero para sa akin isang magandang halimbawa itong probinsyang ito kung saan marami ang umabsent noong nagturo si teacher tungkol sa pagtatanim ng mga punong-kahoy at tinamad magbasa ng kanilang mga aklat.
Dona Remedios Trinidad (DRT)
DRT sa maikling salita. Ang ganda ng trails dito. Sikat dito ang Bandera, Kandila, Bato at iba pa. Alam din ng mga beteranong mountain bikers dito kung gaano na kalala ang pagkasira ng mga bundok dito. Parang ganito:
Nakita nyo naman yung background. Hindi mo aakalaing bundok pala ito. Akala mo desyerto sa Qatar. Habang tumatagal papatag nang papatag ang bundok na yan. Ilang taon pa mawawala na yan sa mapa. Hindi lang yan, talamak din ang pagputol ng mga puno dito na ginagawang uling ng mga nakatira sa paligid nyan.
Norzagaray
Dito isa pang maganda ang trail. Licao-licao to Norzagaray ganda ng trail dyan. Basta kasama talaga ito si Milo sa trail, ang ganda ng pupuntahan. Ang hindi lang maganda yung nakita namin na pagpuputol ng mga puno. Sa malayo pa lang umaalingawngaw na ang ang ingay ng power saw.
Kahit sa ilang parte ng Nueva Ecija din daming kalbong bundok. Yang parteng Gabaldon papunta sa Dingalan, Aurora.
Tanggapin mo na lang
Kung pababayaan nating ganito ang mga kabundukan sa atin, huwag na tayong magtaka kung bakit laging bumabaha lalo na sa Central Luzon. Tanggapin na lang natin tutal tayo din naman ang may kagagawan. Pero tandaan natin, hindi pa naman huli ang lahat. Pwede pa nating gawin ang mga turo ni teacher tungkol sa kahalagahan ng pagtatanim ng mga punong-kahoy.
Papano? Sa ngayon ang tanging alam kong paraan ay ang turo ng teacher ko noong elementarya pa ako. Tingin ko sapat na ang paraang ito para kahit papaano ay mabawasan kung hindi man maiwasan ang mga pagbaha sa Central Luzon.
Ito naman ay kung gusto nyo lang. Kung ayaw nyo naman pwede din basta tanggapin nyo na lang kung anuman ang kahihinatnan ng ating kapabayaan. At “take note”, walang sisihan at walang turuan.





Tama ka, hindi pa naman huli ang lahat. Meron pa din naman na nakinig kay teacher at ngayon ay gumagawa ng paraan para matulungan ang ating kalikasan. Isa sa mga masarap samahan na ride ay ang katulad nito:
Globe Tree Planting Plus Mountain Biking – Magtanim ay ‘Di Biro
http://padyakadbentyur.porjuan.com/globe-tree-planting-mountain-biking/
Sana marami pang mag-organize ng ganitong ride.
Kasi bukod sa nag-eenjoy na tayo eh nakakatulong pa tayo sa ating kalikasan.
Tama ka April. Sa ganitong maliit na paraan kaya nating makatulong ulit sa ating kalikasan. Magtanim. Pagdating ng panahon, tayo din ang makikinabang nyan. Pero sana lang, huwag naman nilang putulin ulit kapag naitanim na natin. Yung iba kasi ginagawang panggatong. Naalala mo ba yung mga motor na may dalang anim na sako ng uling sa DRT? Grabe yun. Ilang puno din ang pinutol non.
Isa lang ang reaksyon ko after kong basahin ito, MISMO! Paano magtatanim ng mga puno kung wala na talagang mapagtataniman?? Kung tutuusin kasi, sangay-sangay na itong problema na to eh. Bakit ba nakakalbo ang mga kabundukan? Dahil kailangan ng resources ng tao. Kahoy, bato pati lupa, ibebenta. Lahat ng ito eh sa mga kabundukan lang makukuha. Yung ibang bundok naman, kinakalbo para pagtayuan ng mga establishments at mga pabahay. Ibig lang sabihin nito, may kinalaman dito ang lumulobong populasyon ng bansa natin. Sana lang, kung may kinuha tayo sa ating INANG KALIKASAN, matuto tayong magbalik.
Ang Bulacan kasi minahan yan ng graba. May malaking factory dyan ang Holcim at iba pang mining companies. Halos mapatag na ang tuktok ng mababang bundok dyan sa Dona Remedios Trinidad.
Oo nga. Dahil sa pangagailangan natin kalikasan ang napeperhuwisyo.